Thursday, July 23, 2009

Napagkakamalang "Kuripot" ang "Matipid"

Isa na naman itong post kung saan ako magsasalita ng kalaswaan hinggil sa pagiging Ilokano.

Hindi. Hindi ko dito tatalakayin ang mga hindi magagandang heneral na paguugali ng mga tubong Ilocandia (tulad ko). Tatalakayin ko ngayon kung bakit napagkakamalan ng mga ibang pangkat-etniko sa bansa ang pagiging praktikal ng mga Ilokano sa pagiging "kuripot".

Talagang nakasabit na nga sa pagkakilala ng mga Ilocano ang pagiging kuripot. Ilang beses ko nang naenkuwentro ito, lalong lalo na sa mga nakakakilala kong tubong ibang rehiyon ng Pilipinas. Pati nga mga ibang kakilala kong Ilokano, pinapalaganap ang pagkakuripot nila sapagkat true-blue Ilocano daw sila. Hindi nila nakikita na negatibo ang ibig sabihin ng pagiging kuripot.

Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng salitang "kuripot"? Alam nating hindi positibo ang dating kapag binansagan mo ang isa tao na "kuripot ito. Pero hindi natin maiintindihan ang pagiging praktikal ng mga Ilocano kung hindi natin alam ang tunay na kahulugan ng salitang "kuripot".

Ang pagiging kuripot ay ang pagiging maramot sa pera, pagiging makapera, pagiging alagad ng pera. Mangilanngilan lamang ang mga kakilala kong Ilokano na kuripot. Sa aking karanasan (hindi ako pahalang dahil lamang Ilocano ako), hindi maramot sa pera ang karamihan sa mga nakikilala kong Ilocano. Mga kaibigan ko dati sa elementarya, nanlilibre kapag sinabi kong nawawala ang baon kong pera. Hindi ko lamang alam sa inyong naging mga karanasan ngunit ito ang masasabi ko base sa aking mga karanasan.

Isa pa, walang gaanong mga mayayaman sa Ilocandia. Kung ikukumpara sa mga Kabisayaan, walang gaanong mga tenyente sa rehiyon. Panahon pa ng mga Kastila, may mga sarili ng lupain ang mga magsasakang Ilocano sapagkat hindi nagkaroon ng interes ang mga Kastila sa pangit na uri ng lupa sa rehiyon. Dahil dito, walang gaanong mga tenyente ang nagmamay-ari ng mga lupain sa Ilocandia. Karamihan sa mga Ilocano'y mahihirap na kadalasang sa sarili lamang nakasalalay ang kabuhayan, hindi sa mga tenyente ng lupaing sinasaka. Bakit binanggit ko ang istatus ng kayamanan ng mga Ilocano? Para maintindihan ninyo kung bakit praktikal at simple lamang ang mga pangangailangan ng mga Ilocano, maliban na lamang sa pagkakaroon ng ambisyon at kagustuhang pumalad sa buhay. Hindi palagastos ang mga Ilocano sa pera sapagkat alam nilang malaki ang tulong ng paghuhulog ng pera sa banko. Na ang pagiging matipid sa pera ang makakapagaahon sa kanilang kabuhayan.

Dito nga napagkakamalang kuripot ang mga Ilocano, ang pagiging matipid nila. Kadalasang napagiisa ang kahulugan ng "kuripot" at "matipid". Para mapaglinaw ito, ang "kuripot" ay isang taong ubod ng yaman sa pera ngunit hindi ito gumagastos sa mga pangangailangan tulad ng pagkain. Ito ang labis na kasalungat ng pagiging magastos. Ang "matipid" naman ay hindi gaanong gumagastos sa mga bagay na hindi kailangan.

Kung gugunitain ang sumasailalim na dahilan sa pagtingin ng mga hindi Ilocano sa pagiging kuripot ng mga Ilocano, makikita natin na hindi gaanong maganda ang pagtingin ng mga pangkat-etnikong ito sa bisa ng pagiging matipid. Maaring paghinalahin na ang mga nasabing pangkat-etniko na ito'y hindi marunong magtipid ng pera o kaya't hindi alam ang tunay na kahulugan ng praktikalidad.

Kung gayon pala, hindi dapat minamasama ang pagiging matipid ng mga Ilokano. Ito nga ang dahilan kung bakit ang karamihan ng mga bahay ng mga mahihirap sa Ilocandia ay gawa sa bato, kung ikukumpara sa mga mahihirap sa Kabisayaan. Ito nga ang dahilan kung bakit umaahon ang mga Ilokano kapag sila'y nagibang tirahan sa mga malalayong lugar. Ito nga ang dahilan kung bakit karamihan sa mga nagkakapalad na maging propesyonal sa mga ibang bansa sa mundo ay Ilocano. Ito ang dahilan kung bakit ang Ilocos Norte (sinasabi ng karamihan na ito ang puso ng Ilocandia) ay hindi gaanong apektado kapag dumagsa ang mga panahon na bumagsak ang ekonomiya ng bansa.

Wednesday, July 22, 2009

Bakit Hindi Ako Makapagsulat at Makapagbasa sa Sariling Wika

Ano kaya ang pakiramdam kapag hindi mo kayang magsulat (at magbasa) sa sariling wika, samantalang ito naman ang iyong ginagamit sa halos pangaraw-araw na buhay? Kabalintunaan po.

Nagtataka kayo kung Tagalog ba iyon? Malamang hindi, sapagkat sa binabasa niyo ngayon makikita na marunong na akong magsulat sa literal na anyo ng wikang Tagalog.

Kung binasa ninyo ang mga nakaraang post, Ilocano po ang aking sariling wika. Bakit hindi Pilipino, tanong ng mga Tagalista? Una sa lahat, Ilocano po ang kinalakihang wika. Pangalawa, lumaki ako sa probinsiya ng Abra. At pangatlo, ito pa rin po ang ginagamit kong wika sa halos pangaraw-araw na pamumuhay. Kahit na nakatira na ako sa Maynila sa ngayon.

Ngunit ngayon ko lamang napagtanto na sa praktikal na gamit ng Ilocano lamang ako nakakaintindi. Mga mas malalim na salita'y nakakadugo sa ilong, kaya nga palagi akong nagtatanong sa mga nakatatanda kung ano ang ibig sabihin ng mga naenkuwentrong salita kapag nandiyan lamang sila sa tabi.

Ngayon ko lang nalaman ang isa (o maaring nagiisang) sa mga sikat na magasin na nakasulat sa wikang Ilocano, ang Bannawag. Nakabasa na ako minsan. Nakakatamad basahin. Paano kasi, malalalim ang mga salitang ginagamit na halos mabulol ka sa kakabasa. Sa mas malalim na dahilan, unang beses ko pa lamang nabasa ang ilan sa mga salitang nakasulat sa magasin.

Sabihin nating nasa akin din ang problema. Maaaring tama ang iyong hinala, ngunit isa lamang ito sa mga salik na magsisilbing dahilan sa hindi sanay na pagsulat at pagbasa sa literal na anyo ng wikang Ilocano.

Ilalathala ko ang mga ibang salik na ito:
1. Sa labindalawang taon sa paaralan (nasa ikalawang baitang pa ako sa kolehiya ngayon), hindi maikakaila na tinuturuan na ako sa wikang Pilipino. Iba-iba ang tawag sa suheto: Wika, Pagbasa, Wikang Filipino, Wikang Pilipino, Panitikan ng Pilipinas, atbp. Nakakapagtataka nga kung bakit ang wikang Tagalog ay naging Wikang Pilipino hanggang sa iniba lamang ang isang letra'y naging Wikang Filipino.

2. Lantaran ang wikang Tagalog sa Pilipinas. Sangkatutak na Tagalog ang iyong maririnig sa mga pinapanood na anime, balita at dokumentaryo. Pati nga mga istasyon ng radyo sa Abra, Tagalog na may nahalong Ingles ang naririnig. Mga nasasalubong na text message galing sa mga kakilalang Ilokano ay sa Tagalog.

3. Hindi ito karaniwang napapansin ng ibang Pilipino ngunit mali ang konsepto ng dialekto sa ating bansa. Pati nga nanay ko, dialekto ang tawag sa sariling wika (Ilocano din po siya) sapagkat ang pambansang wika natin ay Pilipino/Filipino/Tagalog. Ang katangahan na ito'y dulot ng edukasyon na handog ng DepEd. Sa aking pagbabalik alaala, ganoon din ang tinuro sa amin noong nasa elementarya pa ako. Hindi makaligtaan na tawagin ang mga ibang wika sa Pilipinas na "dialekto" ng Wikang Pilipino. Sa mga Pilipinong hindi Tagalog, gusto niyo bang tawagin na ang iyong wika (halimbawa, Cebuano o Ilocano) bilang isa lamang dialekto ng wikang Tagalog? Malamang hindi.

Para mas lalong mapaglinaw kung ano nga ba ang tunay na ibig sabihin ng salitang "dialekto", gagamitin ko ang halimbawa ng pinagkaiba ng Tagalog na sinasalita sa Batangas (ala eh!) at Tagalog na sinasalita sa Maynila. Kahit na magkaiba ang paraan ng kanilang pananalita sa Tagalog, nagkakaintindihan pa rin sila. Kung sa gayon, ang "dialekto" ay barasyon lamang ng iisang wika kung saan ang mga nagsasalita nito'y nagkakaintindihan pa rin. Kapag sinabing dialekto ang Ilocano sa wikang Tagalog, sana pala eh nakakaintindi na ang mga Tagalog ng isang pangungusap sa Ilocano. Sa mga nagbabasang Tagalog, naintindihan niyo ba ang pangungusap na ito? "Diyak nga maawatan itti ibbagbagam, agpatang ka man itti Ilocano." Bigyan niyo lang ako ng feedback.

4. Sapagkat ang Maynila ang kapital ng Pilipinas, malaki talaga ang posisyon ng wikang Tagalog sa lahat ng panig ng bansa sapagkat tubong Tagalog ang lungsod ng Maynila. Makikita sa kadumihan at kapangitan (sa totoo lamang)ng lungsod ang pagiging sentro nito sa mga kalakarang ekonomikal, politikal at medya sa buong bansa. Nandito lahat ang sentro ng mga naglalakihang kompanya at naglalakihang istasyon ng medya (tulad ng ABS-CBN at GMA). Ito ang ultimong dahilan kung bakit malaki ang impluwensya ng wikang Tagalog sa Pilipinas.

Sa lahat ng nabanggit na dahilan, ito ang kagagawan ng mga Tagalista. Hindi ko minamasama ang mga tubong Katagalugan sapagkat maaring ang isang Tagalista'y tubong Kabisayaan o tubong Ilocandia. Hindi ko sinisisi ang kapalaran ng wikang Ilocano sa lahat ng mga taong lumaki sa mga Katagalugan sapagka't ito'y pagtakwil sa "Law of Generalization" kung ano man iyon.

Ito nga ang problema sa ating mga Pilipina sa larangan ng wika. Mga kaibigang Tagalista, huwag niyo nang itago ang tunay na pangalan ng wikang "Pilipino" sapagkat ito'y wikang Tagalog. Nasa mga ahente niyo na palaganapin ang pagiging makapangyarihan ng Katagalugan sa bansang Pilipinas sa paraang politikal, historikal, kultural at lalong lalo na lengguistikal.

Tanong ninyo sa akin kung ano ang nararamdaman ko sa pagsusulat ng post na ito (at paggawa ng blog na ito). Kabalintunaan po. Upang mas lalong maintindihan ng mga Tagalistang ito ang aking mga pinagsasabi, pinili kong magsulat sa Tagalog, sa sariling nilang wika.

Pero aaminin ko, nasanay na aking pagiisip na angkop ang pagsulat sa wikang Tagalog. Siyempre, sanay na eh!

Saturday, July 18, 2009

Maiikling Kuwento Para Sa Mga Mapanupil

Sa dating post na aking naisulat bago nito, hindi nga bago sa akin ang magsulat sa wikang Tagalog. Elementarya pa lamang ako, gumagawa na ako ng mga kuwento.

Kaya ngayon, aking ikukuwento ang dating paraan ng pagsusulat sa Tagalog: paggawa ng mga maiikling kuwento.

Dati-rati, parati akong tinutukso at inaasar ng aking mga kaklase sa elementarya. Isang dahilan na dito ang aking pagiging childish. Kapag ako'y tinutukso, makikipagsuntukan ako o iiyak na lamang ako sa tabi. Naaalala ko dati, basang basa ang aking uniporme dahil sa aking marahas na pagiyak bawat hapong paguwi sa bahay. Natutukso at naaasar dati ang mga pikon. Hanggang sa isang araw, nagsawa ako.

Isang araw, naisipan ko na lamang na magsulat ng isang maikling kuwento tungkol sa isa sa aking mga kaklase na nangaasar sa akin. Napaisip ako, kung sinisira niya ang araw ko, ngayon ay sisirain ko na ang araw niya. Kung makikipagasaran lamang ako sa kanila, mapipikon din lamang naman ako sa huli. Kaya ang naisip ko, aasarin ko sila sa isang hindi nahahalata ngunit marahas na paraan: Magsulat ng maikling kuwento tungkol sa kanila. Simula noon, ganito na ang aking paraan upang mapatigil ang kanilang mga mapangaping gawain.

Hindi ito parehas sa tsismis. Ang tsismis ay labis na pagkukuwento sa tunay na nangyari. Ang pagsusulat ng mga maiikling kuwentong ito'y kathang isip lamang ngunit pinapatamaan nito ang mga nakikitang kahinaan ng mga taong paguusapan. Karaniwan, ginagawa kong mga kawawang bida ang mga taong ito. Tinitignan ko muna kung ano ang kanilang mga kahinaan o special attributes. Mga halimbawa na lamang ang patuloy na pagtulo ng laway bawat segundo, o pagkabaluktot ng kanang hita habang nakatayo. Pagkatapos nito'y ginagawaan ko ng plot kung bakit nagkaroon sila ng ganoong special attributes. Para bang gumagawa ka ng alamat kung bakit mahiwaga ang Mt. Makiling o bakit maraming kababalaghan sa Mt. Cristobal. Ang takbo ng maikling kuwento'y may ginawa ang bida na mali (karaniwan ay nambastos sila ng isang matandang lalaki sa kuwento) hanggang sa ang naging parusa nila'y ganoon. Para mas kumplikado, ginagawa ko munang mga assets ang kanilang mga special attributes sa unang bahagi ng mga maiikling kuwento hanggang sa naging mga special attributes na ang mga ito dahil sa mga ginawang pambabastos. Kumbaga't ang matandang lalaki'y representasyon na rin ang aking pagkauhaw sa katarungan ng kanilang mga karahasan.

Matapos masulat ang mga kuwento sa papel ay ipinapabasa ko ito sa aking mga kaibigan at lalung-lalo na sa mga kaaway ng mga taong binabanggit sa aking mga maiikling kuwento. Nakakasiya naman ang mga resulta. Ngayon ay barado na sila sa mga panunukso at pangaasar ng mga nakabasa sa aking mga maiikling kuwento hanggang sa umiyak ang mga ito't magsumbong sa pinakamamahal na mga ina pagkatapos.

Dahil sa mga pinaggagagawa kong ito, ilang beses na akong pinapunta sa Principal's Office, binabansagan akong psychological bully ng mga magulang ng mga nabiktima. Kahit naisip kong hindi naging patas ang pagtrato sa akin (karaniwan ay hindi napapapunta sa Principal's Office ang mga mokong na ito), napagtanto ko sa huli na mas nakakasira ng kalooban ang paraan ko ng pagkukuwento. Kung ang kanilang paraan ng pangaasar ay isang salita lamang na paulit-ulit na sinasabi, masasabing ito'y kawalan ng muang kung ikukumpara sa aking sariling paraan. Maari na ding sabihin na makikitang mas mataas ang antas ng aking pagiisip sa kanila. Kung ganoon pala, hindi ko na sila dapat pinapatulan.

Pero masarap pa rin ang pakiramdam kung makikita mong natodas ang mokong na nangaasar sa iyo dahil lamang sa iyong sariling katha. Nakakatuwang pagisipan at kamanghaan.

Pagsusulat sa Tagalog

Nasubukan ko na ang pagsusulat sa Tagalog. Sa mga ginagawa kong mga takdang aralin, mga gawaing pangupuan at mga pagsusuring papel, hindi na bago sa akin ang magsulat sa nasabing wika. Simula noong bata pa lamang ako, alam ko nang magsalita ng Tagalog (kahit hindi unang wikang natutunan) dahil elementarya pa lamang ay may paksa na kaming mga "Pagbasa" at "Wika", kung saan itinuturo ang pagbasa at pagsulat sa Tagalog. Ang mga paksang HEKASI at HELE ay nasa Tagalog. Noong nasa Mataas na Paaralan pa ako, sa paksang "Filipino" tinatalakay namin ang mga walang-kamatayang gawa nina Balagtas at Rizal na isinalin sa Tagalog, tulad na lamang ng "Florante at Laura" at "Noli Me Tangere". Ang mga pinapanood kong "cartoons" noong bata pa ako hanggang sa mga ipinapalabas na balita sa telebisyon ay Tagalog ang ginagamit. Sa madaling salita, lantaran ang wikang Tagalog simula pagkabata hanggang ngayon, saan man ako naroroon.

Pero nakakatuwang isipin na hanggang ngayon ay may katabi pa akong diksyunaryo habang gumagawa ako ng mga sulatin sa Tagalog (tulad nito) at mga gawaing pampaaralan. Nakakatuwang isipin na hindi pa rin malawak ang mga nalalamang salita sa wikang Tagalog. Nakakatuwang isipin na hindi ko pa rin makita ang pagkakaiba ng bagkus, hinggil at sapagkat.

Paguusapan ko sa post na ito kung bakit hindi gaanong madali sa akin ang magsulat sa Tagalog.

1. Dahil lumaki ako sa Abra, Ilocano ang aking naging unang wika at ito pa rin ang kadalasang wika na ginagamit paguwi sa bahay (dito sa Maynila, hindi sa Abra). Kahit sa ngayon ay nagaaral na ako sa Maynila, ito pa rin ang wikang ginagamit paguwi sa tinitirhan sapagkat mga Ilocano din naman ang kasambahay.

2. Karaniwang Taglish ang nagagamit na wika ng karamihan. Ganito ang napansin ko sa aking mga naging kaklase sa Maynila, kahit nga mga guro namin sa paksang "Filipino" noong nasa Mataas na Paaralan pa ako. Dahil dito, hindi gaanong malalim ang kaalaman sa buong wika. Sapagkat hindi nga talaga maiwasan ang magsalita ng isang salita sa Ingles kapag hindi alam ang tawag sa isang salitang gustong sabihin sa Tagalog.

3. Ayon sa aking guro sa Panitikan sa Filipino, walang pagkakaiba ang praktikal at literal na gamit sa wikang Tagalog noong panahon mga Kastila. Ganito rin ang masasabi sa mga ibang wika sa Pilipinas tulad ng Ilocano o Cebuano. Subalit ngayon, may pagkakaiba na ang mga gamit nitong praktikal at literal sapagkat ito ang epekto ng Globalisasyon sa ating bansa. Ang praktikal na gamit ng wika ay umaangkop sa mga pagbabago na dulot ng Globalisasyon, isa na rito ang paglaganap ng Ingles sapagkat ngayo'y ito ang wikang pandaigdig. Ganito din ang masasabi sa mga iba pang wika sa mundo tulad ng Bahasa Indonesia, Nihonggo o Mandarin. Ang wikang Tagalog ay unti-unting nahahaluhan ng mga bagong slang at mga salitang Ingles, ang resulta'y hindi natin nalalaman at nagagamit ang mga mas malalim na salita.

4. Dahil malaki nga ang pagkakaiba ng wikang Tagalog sa gamit nitong praktikal at literal, mas pinapahalagahan ng mga eksperto at kritiko ang paggamit ng wika sa literal nitong anyo sapagkat hindi maganda sa pandinig ang gamit nitong praktikal. Kadalasan ay hindi tinataguriang pagsusulat sa pambansang wika ang pagsulat sa praktikal nitong anyo, sa ibang salita Taglish.

5. Isa rin dito ang laganap na representasyon ng wikang Ingles sa bansa. Halos lahat ng aking naking paksa simula elementarya hanggang ngayon, Ingles ang ginagamit na wika. Halos lahat ng nababasang akda at libro ay nakasulat sa Ingles. Pati na rin ang Inquirer at Philippine Star , Ingles ang ginagamit. Karamihan ng mga ipinapalabas na patalastas sa telebisyon sangkatutak na Ingles ang naririnig. Isa itong manipestasyon ng Globalisasyon, o mas magandang sabihin na isa itong pamana ng 40 taong pamamahala ng mga Amerikano sa ating bansa. Isa rin itong magandang ideya upang magkaisa ang Pilipinas kung saang mahigit sa isang-daang wika ang matatagpuan.

Mapapansin natin sa mga inilathalang dahilan na hindi lamang ito isang personal na suliranin kung hindi suliranin na rin ng buong sanlipunang Pilipino. Puwede itong mauwi sa iba pang mga usapan na hindi napapansin ng karamihan. "Bakit Hindi Ako Makapagsulat at Makapagbasa sa Sariling Wika"? Tatalakayin ko po ito sa aking susunod na post. Sa ngayon, imememorize ko pa ang mga words sa English-Tagalog Dictionary. Whooo! Sarap mag-Taglish.