Saturday, July 18, 2009

Maiikling Kuwento Para Sa Mga Mapanupil

Sa dating post na aking naisulat bago nito, hindi nga bago sa akin ang magsulat sa wikang Tagalog. Elementarya pa lamang ako, gumagawa na ako ng mga kuwento.

Kaya ngayon, aking ikukuwento ang dating paraan ng pagsusulat sa Tagalog: paggawa ng mga maiikling kuwento.

Dati-rati, parati akong tinutukso at inaasar ng aking mga kaklase sa elementarya. Isang dahilan na dito ang aking pagiging childish. Kapag ako'y tinutukso, makikipagsuntukan ako o iiyak na lamang ako sa tabi. Naaalala ko dati, basang basa ang aking uniporme dahil sa aking marahas na pagiyak bawat hapong paguwi sa bahay. Natutukso at naaasar dati ang mga pikon. Hanggang sa isang araw, nagsawa ako.

Isang araw, naisipan ko na lamang na magsulat ng isang maikling kuwento tungkol sa isa sa aking mga kaklase na nangaasar sa akin. Napaisip ako, kung sinisira niya ang araw ko, ngayon ay sisirain ko na ang araw niya. Kung makikipagasaran lamang ako sa kanila, mapipikon din lamang naman ako sa huli. Kaya ang naisip ko, aasarin ko sila sa isang hindi nahahalata ngunit marahas na paraan: Magsulat ng maikling kuwento tungkol sa kanila. Simula noon, ganito na ang aking paraan upang mapatigil ang kanilang mga mapangaping gawain.

Hindi ito parehas sa tsismis. Ang tsismis ay labis na pagkukuwento sa tunay na nangyari. Ang pagsusulat ng mga maiikling kuwentong ito'y kathang isip lamang ngunit pinapatamaan nito ang mga nakikitang kahinaan ng mga taong paguusapan. Karaniwan, ginagawa kong mga kawawang bida ang mga taong ito. Tinitignan ko muna kung ano ang kanilang mga kahinaan o special attributes. Mga halimbawa na lamang ang patuloy na pagtulo ng laway bawat segundo, o pagkabaluktot ng kanang hita habang nakatayo. Pagkatapos nito'y ginagawaan ko ng plot kung bakit nagkaroon sila ng ganoong special attributes. Para bang gumagawa ka ng alamat kung bakit mahiwaga ang Mt. Makiling o bakit maraming kababalaghan sa Mt. Cristobal. Ang takbo ng maikling kuwento'y may ginawa ang bida na mali (karaniwan ay nambastos sila ng isang matandang lalaki sa kuwento) hanggang sa ang naging parusa nila'y ganoon. Para mas kumplikado, ginagawa ko munang mga assets ang kanilang mga special attributes sa unang bahagi ng mga maiikling kuwento hanggang sa naging mga special attributes na ang mga ito dahil sa mga ginawang pambabastos. Kumbaga't ang matandang lalaki'y representasyon na rin ang aking pagkauhaw sa katarungan ng kanilang mga karahasan.

Matapos masulat ang mga kuwento sa papel ay ipinapabasa ko ito sa aking mga kaibigan at lalung-lalo na sa mga kaaway ng mga taong binabanggit sa aking mga maiikling kuwento. Nakakasiya naman ang mga resulta. Ngayon ay barado na sila sa mga panunukso at pangaasar ng mga nakabasa sa aking mga maiikling kuwento hanggang sa umiyak ang mga ito't magsumbong sa pinakamamahal na mga ina pagkatapos.

Dahil sa mga pinaggagagawa kong ito, ilang beses na akong pinapunta sa Principal's Office, binabansagan akong psychological bully ng mga magulang ng mga nabiktima. Kahit naisip kong hindi naging patas ang pagtrato sa akin (karaniwan ay hindi napapapunta sa Principal's Office ang mga mokong na ito), napagtanto ko sa huli na mas nakakasira ng kalooban ang paraan ko ng pagkukuwento. Kung ang kanilang paraan ng pangaasar ay isang salita lamang na paulit-ulit na sinasabi, masasabing ito'y kawalan ng muang kung ikukumpara sa aking sariling paraan. Maari na ding sabihin na makikitang mas mataas ang antas ng aking pagiisip sa kanila. Kung ganoon pala, hindi ko na sila dapat pinapatulan.

Pero masarap pa rin ang pakiramdam kung makikita mong natodas ang mokong na nangaasar sa iyo dahil lamang sa iyong sariling katha. Nakakatuwang pagisipan at kamanghaan.

No comments:

Post a Comment